MAGUINDANAO DEL SUR — Binisita ng delegasyon mula sa social services ministry ng Bangsamoro Government ang mga proyekto at benepisyaryo sa probinsyang ito upang mapatibay ang koneksyon at mapalakas ang presensya nito sa komunidad.
Noong ika-6 ng Hunyo 2024, pinangunahan ni Ministry of Social Services and Development (MSSD) Minister Atty. Raisa Jajurie ang naturang delegasyon kasama si Deputy Minister Ustadza Nur-Ainee Tan-Lim, Director General Atty. Mohammad Muktadir Estrella, Director Zoraya Masakal, at Chief of Staff Atty. Lizel Mone sa kanilang executive visits na tinawag na “Kumustahin Sessions” sa mga munisipalidad ng Ampatuan, Buluan, Datu Hofer, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Saudi Ampatuan, Mamasapano, at Shariff Aguak.
Sinabi ni Jajurie na sa pamamagitan ng pagbibisita at pakikinig sa kanilang mga kwento, mas mapapabuti pa ng MSSD ang kanilang mga programa at serbisyong kaugnay sa social protection upang epektibong matugunan ang mga pangangailangan ng kliyente.
“Gusto naming makita ang mga best practices. Nais din naming magtanong at pagnilayan kung paano namin maisasagawa ito sa aming mga field offices. Ang ideya rito ay ang matuto sa isa’t isa at maipatupad ang mga aral na iyon,” pahayag ni Jajurie.
Kabilang sa mga nabisitang kliyente ay mga benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng MSSD gaya ng Bangsamoro Critical Assistance to Indigents in Response to Emergency Situations (B-CARES), Kalinga para sa may Kapansanan, Angat Bangsamoro: Kabataan tungo sa Karunungan (ABaKa), Kupkop, at Unlad Pamilyang Bangsamoro.
Sinuri rin ang mga housing units sa ilalim ng Bahay Program ng Ministry sa mga munisipalidad ng Datu Hofer at Ampatuan, kabilang dito ang mga assisted child development centers ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program sa Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan, at Datu Hoffer.
Ang nasabing field visit ay nagpatibay sa mga koneksyon at interbensyon na nagsilbi bilang isang makabagong plataporma para sa mas epektibo at mahusay na pagdadala ng serbisyo sa buong Bangsamoro region. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may report mula sa MSSD)