COTABATO CITY— Isang circular na sabay na magkakaloob ng Petroleum Service Contracts (PSCs) at Coal Operating Contracts (COCs) sa rehiyong Bangsamoro ang nilagdaan ng Department of Energy (DOE) ng national government at Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) ng BARMM government noong ika-6 ng Hulyo.
Sa pamamagitan ng Intergovernmental Energy Board (IEB), layunin ng nasabing circular na mapadali ang pag-unlad ng sektor ng enerhiya at makahikayat ng foreign investment at nang masimulan ang proseso ng aplikasyon para sa PSCs at COCs sa BARMM kapag ang mga ito ay naipatupad na.
Nailatag din sa circular ang mga kinakailangan, pamamaraan, at pamantayan para sa mga kumpanya na nais mag-aplay at mapatakbo ang PSCs at COCs at masiguro na ang mga aktibidad sa pagsasaliksik at pagpapaunlad ay sumusunod sa mga mahigpit na patakaran at regulasyon, at mga pinakamahusay na kasanayan.
Bago pa man mapirmahan ang circular ay nagpasalamat na si Chief Minister Ahod Ebrahim kay Presidente Ferdinand Marcos Jr., na personal ding dumalo sa aktibidad.
Sinabi ni Ebrahim na ang inisyatibong ito ay nagpapakita lamang ng di-natitinag na dedikasyon ng gobyerno ng Pilipinas at Bangsamoro autonomous region sa pagtutulungang mapanatili ang mga mabubuting bunga ng usaping pangkapayapaan.
“The signing of this important document on the energy sector that establishes the policies and guidelines for the joint exercise of the Bangsamoro Government and the national government is another milestone, not only advancing energy security in the Bangsamoro but also having a positive effect on our growing economy,” saad ni Ebrahim.
Samantala, inihalintulad naman ng Presidente ang paglagdang ito bilang isang makasaysayang okasyon at binigyang-diin din niya ang mga oportunidad sa ekonomiya at potensyal ng Bangsamoro region kasama ang walang patid na suporta at commitment ng national government.
“The national government remains fully committed to working hand-in-hand with the Bangsamoro government in its journey for sustained progress,” sinabi ni President Marcos.
Inihayag din ni Presidente Marcos sa kanyang mensahe na ang BARMM ay bahagi ng proseso ng pag-unlad.
“By harnessing the enormous energy potential within BARMM, we will reduce our reliance on external sources, mitigate the detrimental impacts of price fluctuation and build a solid foundation for our country’s energy security,” dagdag ng Presidente.
Nakasaad sa Section 10, Article XIII of Republic Act No. 11054 o ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region na ang Bangsamoro Government at ng National Government ay magkatuwang na isasagawa ang pagbibigay ng karapatan, pribilehiyo, at konsesyon patungkol sa pagtutuklas, pagpapa-unlad, at paggamit ng uranium at fossil fuels kagaya ng petroleum, natural gas, at coal sa territorial jurisdiction ng Bangsamoro. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)