COTABATO CITY—Sa ilalim ng programang Tulong Alay Sa Bangsamorong Nangangailan (TABANG) ng Office of the Chief Minister (OCM), nasa 140 na baka na may kabuuang halaga na P5.6-milyon ang ipinapamahagi sa mga magsasaka upang mas mapalakas pa ang agricultural productivity sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Matatandaang nasa 68 na baka na ang naunang naipamahagi sa pamamagitan ng programang Oplan Bangsamoro Rapid Assistance (OBRA) ng TABANG sa mga farming cooperatives noong Mayo sa Guindulungan, Maguindanao del Norte.
Pinangunahan ni TABANG livelihood unit head Asnur Pendatun ang inisyal na pamamahagi sa 12 grupo ng mga magsasaka sa mga bayan ng Guindulungan, Rajah Buayan, Ampatuan, Datu Piang at Pagalungan sa Maguindanao del Sur, at Matanog at Talayan sa Maguindanao del Norte, pati na rin sa Cotabato City.
Ayon pa kay Pendatun, kaparehong dispersal ceremony din para sa 24 na baka ang isasagawa sa Marantao, Lanao del Sur para sa mga organized farmers sa probinsya ng Maranao.
Nakatakdang ipamahagi ang natitirang baka sa mga farming groups sa ibang component areas ng BARMM.
Ang rehiyon ay kinabibilangan ng Lanao del Sur, Basilan, Tawi-Tawi at Sulu, Cotabato City, pati na rin ang 64 barangay ng special geographic area (SGA) sa North Cotabato.
Ayon pa rin kay Pendatun, kasama rin ang OBRA program sa pagsusulong ng mechanized farming sa rehiyon, pamamahagi ng farm tractors, crop threshers, at transplanting facilities para sa taong 2022 hanggang 2024.
Nananatiling isa sa mga prayoridada ng gobyerno ang pagtugon sa problema sa kakulangan ng access sa modern farming technologies kaya naman inilunsad ang pangmatagalang inisyatibong ito sa paglalayong matulungang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa Bangsamoro region.
Dinaluhan din ni OCM Chief Budget Officer Siettie Amina M. Abdulazis ang distribution ceremony noong Mayo.
Ang Project TABANG ay isa sa mga outreach channels ng OCM. Kabilang din dito ang Strengthening Access to Livelihood Assistance for Marginalized-Bangsamoro (SALAM), at ang Ayudang Medikal Mula sa Bangsamoro Government (AMBAG).
Ang SALAM ay inaasahang makapagbibigay-lingkod sa pamilya ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Samantalang ang programang AMBAG ay kasalukuyang nagbibigay ng serbisyo sa mga pasyenteng indigent na nasa loob at labas ng BARMM, na sa ngayon ay nakapagsilbi na rin sa daan-daang pasyenteng nangangailangan. (Myrna S. Tepadan, Bai Omairah Yusop/ na may ulat mula sa Project TABANG)