COTABATO CITY—Magkakaroon na ng access sa malinis na tubig ang mga residente ng Barangay Kinitaan sa Upi, Maguindanao del Norte nang mai-turn over ang bagong water system kamakailan.
Ang nasabing water system ay nagkakahalaga ng P3-milyon na pinondohan ng Ministry of Indigenous People’s Affairs (MIPA). Ito ay may kapasidad na makapaglabas ng 4,000 litro ng malinis na tubig at may sampung (10) tap stand na nakaposisyon nang maayos upang mas mabuting mapagsilbihan ang pangangailangn ng komunidad.
Ayon sa 2020 Census, nasa 1,377 ang populasyon ng Barangay Kinitaan, na bumubuo sa 2.33% ng kabuuang populasyon ng Upi.
Taos-pusong pasasalamat ang ipinahayag ni Brgy. Chairperson Mars Mariano sa regional government, lalo na sa MIPA, sa pagpili sa kanilang barangay bilang benepisyaryo nitong napakahalagang proyektong pang-imprastraktura.
“Ang water system ay hindi lamang ang Brgy. Kinitaan ang makikinabang dahil makikinabang na rin ang kalapit barangay namin,” sinabi ni Mariano.
Bago pa man ang pagkakatayo ng naturang water system ay kinakailangan pang maglakbay nang malayo, kalimitan mula sa komunidad ng IP, upang makapag-igib ng tubig mula sa mga bukal na malayo sa kanilang mga tahanan.
“Sana hindi lamang po ngayon natutuldukan ‘yung mga proyekto na galing sa ministry at Bangsamoro Government, dahil damang-dama po namin (ang suporta) ng gobyerno sa amin,” dagdag ni Mariano.
Binigyang-diin naman ni Rusman Musa, Project Engineer sa Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) SDF-Project Management Office ang dedikasyon ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim sa ‘moral governance’, na layuning mailapit ang mga makabuluhang serbisyo sa mga mamamayan.
“Asahan niyo po na patuloy ang aming suporta sa mga ganitong programa na magbibigay prayoridad sa mga kapatid nating IPs upang makaangat, ma-rebuild, rehabilitate at ma-develop (ang kanilang komunidad),” ani Musa.
Dinaluhan ng mga barangay officials, tribal leaders, kababaihang IP, at MIPA personnel ang isinagawang turnover ceremony na nagsilbing mahalagang tagumpay sa pagpapaunlad ng komunidad. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)