COTABATO CITY—Namahagi ang Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) ng Office of the Chief Minister (OCM) ng 473 na baka sa mga lalawigan ng Bangsamoro region sa pagdiriwang ng mahalagang okasyon ng Eid’l Adha noong ika-28, na siya rin namang nagbigay saya sa 15,000 na pamilya.
Ang Project TABANG ay nakatuon sa paghahandog ng social assistance at kasama rito ang pagbibibigay suporta sa mga nangangailangang pamilya tuwing selebrasyon ng Eid sa pamamagitan ng pamimigay ng Qurbani meat.
Kasama sa mahalagang bahagi ng taunang inisyatibong ito ang pamamahagi ng karne ng baka, na siyang sumisimbolo sa kabuluhan ng pagsasalosalo at kahalagahan ng pagsasakripisyo na tinuturing na katangitangi para sa mga Muslim.
Samantala, dinigyang-diin din ni Datu Serhan Badal, Project TABANG Humanitarian Services Unit Head ang importansya ng nasabing aktibidad aniya, “Ito ‘yong pwede pa nating maitulong sa mga tao sa panahon ng Eid, na mayroon silang mapagsaluhan sa kani-kanilang pamilya.”
“Ito na rin yung way ng BARMM government na ipakita sa kanila ang kahalagahan ng aktibidad na ito sapagkat tayo, bilang Muslim, kung gusustuhin natin at kaya natin ay kailangang makapag-Qurban tayo,” dagdag niya.
Nagpasalamat naman si Johair Madag, punong bayan ng Brgy. Poblacion II, sa Bangsamoro Government para sa pagbibigay nito ng karne sa mga nangangailangang pamilya sa okasyon ng Eid.
“Maraming maraming salamat sa Project TABANG para sa binigay ninyong baka para aming mga residente. Maraming maraming salamat sa BARMM Government…damang dama naming mga residente ang inyong pagmamahal sa amin. Kahit papaano, iyong mga resident namin ay may pang-Qurban ngayong Eid’l Adha,” pahayag niya.
Sa pamamagitan ng pamamahagi ng baka ay nais ng Project TABANG na maibsan ang pang-ekonomiyang pasanin ng mga nahihirapang pamilya upang matiyak na sila ay may pagsasaluhan ngayong Eid.
Muli ring tiniyak ng Project TABANG ang kanilang dedikasyon tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng buhay ng mga Bangsamoro at pagpapaunlad ng pagkakaisa at pagdadamayan sa komunidad. (Aisah Abas, Bai Omairah Yusop/BIO)