COTABATO CITY—Sinimulan na ng Philippine Statistics Authority Regional Statistics Services Office (PSA-RSSO-BARMM) ang pagsasagawa ng 2024 Census of Population and Community-Based Monitoring System (2024 POPCEN-CBMS) noong ika-15 ng Hulyo, na inaasahang matatapos sa ika-26 ng Setyembre 2024.
Ang sensus sa taong ito ay nakaangkla sa slogan na: “Sa POPCEN at CBMS, Kasama ka sa Pag-Unlad Tungo sa Makabagong Pilipinas,” na naglalayong ma-update ang datos ng populasyon upang maipakita ang kasalukyang demograpiya at maayos ang listahan ng mga benepisyaryo ng mga social protection programs ng pamahalaan.
Sinabi ni PSA-BARMM Officer-in-Charge Regional Director Engr. Akan Tula na ang makakalap na datos ay huhubog sa hinaharap ng mga komunidad, munisipalidad, probinsya, rehiyon, at sa kabuuan ng bansa.
“Ang 2024 census of population ay higit pa sa pagbibilang ng tao. Ito ay isang komprehensibong aktibidad na layuning madokumento ang dinamiko at magkakaibang katangian ng ating populasyon. May kasabihan nga tayo na lahat ng tumataas ay dapat bumaba, maliban sa populasyon,” pahayag ni Tula.
Ipinaliwanag niya na ang mga datos na makokolekta ay magbibigay ng ideya kung ano tayo bilang isang rehiyon, magpapakita ito ng ating demograpiko, socio-economic status, at kundisyon ng pamumuhay.
“Ang impormasyong ito ay kritikal sa epektibong pagbabalangkas ng polisiya, paglalaan ng resources at ang pagbubuo ng mga programang makatutugon sa mga pangangailangan ng lahat ng sektor ng ating lipunan.”
Hinimok ng Regional Director ang mga Bangsamoro na lumahok sa sensus at tiniyak sa publiko na ang makokolektang datos ay gagamitin ng responsable at etikal, at sang-ayon sa “Data Privacy Act.”
Sa kasalukuyan ay nakapagdeploy na ng hindi bababa sa 70,000 enumerators sa buong bansa upang magsagawa ng sabay-sabay na nationwide total enumeration ng mga Pilipinong kabahayan, na sa bawat panayam ay tinatayang aabot sa 45 minuto hanggang isang oras.
Ang mga datos mula sa 2024 POPCEN-CBMS ay magiging batayan umano para sa pagbabalangkas ng mga patakaran, programa, at proyekto sa iba’t ibang sektor gaya ng kalusugan, edukasyon, trabaho, pagpapabahay, at imprastraktura.
Ang sensus ay magbibigay din ng impormasyon patungkol sa distribusyon ng bahagi ng local government units sa National Tax Allocation, na siyang makatutulong sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11964 (ang “Automatic Income Classification of Local Government Units Act”), at gagabay sa maayos na paggamit ng resources ng pamahalaan.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad ng 2024 POPCEN-CBMS ang mga pangunahing opisyales at kinatawan mula sa mga ministry, opisina, at ahensya ng BARMM, kabilang din ang mga media, NGOs, at pribado at sektor ng negosyo. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)