MARAWI CITY, Lanao del Sur —Nagsagawa ng graduation ceremony ang Ministry of Social Services and Development (MSSD), ang implementing agency ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Bangsamoro region, noong ika-28 ng Nobyembre para sa 552 na benepisyaryong magtatapos na sa naturang programa.
Upang ipagdiwang ang mga naabot ng mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa unang Distrito ng Lanao del Sur na nakumpleto ang programa ay idinaos ang kaganapang tinawag na ‘Pugay Tagumpay’. Ang kanilang pagtatapos ay nagpapakita ng kanilang mas mabuting kalagayan sa tulong ng iba’t ibang interbensyon ng nasabing programa.
Nakatanggap din ang mga nagsipagtapos ng P15,000 cash bilang panimulang kapital para sa kanilang mapipiling negosyo. Ito ay mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng national government, na layuning matiyak ang pagpapanatili at pagpapabuti ng kabuhayang nasimulan nila noong kabilang pa sila sa 4Ps.
“Sa tulong ng ating mga SLP fieldworker, magpapatuloy ang MSSD sa pag-monitor ng mga nagsipagtapos sa 4Ps upang masiguro ang tuloy-tuloy at tamang paggamit ng livelihood seed capital na ibinigay sakanila,” sabi ni Muntazar Mukarram, 4Ps program coordinator ng BARMM.
Pinangunahan naman ni MSSD Deputy Minister Nur-ainee Tan-Lim ang distribusyon ng sertipiko sa mga benepisyaryo. Kasama si Mukarram ay pinangangasiwaan niya ang pagpapatupad ng naturang programa sa BARMM.
Magsasagawa rin ng magkatulad na seremonya, Pugay Tagumpay, ngayong ika-6 ng Disyembre 2023 para sa mga 4Ps graduates ng Lanao del Sur.
Ang 4Ps ay isang programang pinopondohan ng national government na nagbibigay ng conditional cash grants sa mga pamilyang kinokonsiderang ‘poorest of the poor’ sa Pilipinas. Pinagsama rito ang social assistance at social development ng mga pamilyang benepinsyaryo.
Upang matigil ang siklo ng kahirapan ay nararapat na masiguro ang edukasyon at nutrisyon ng mga bata bilang isa sa mga pangunahing kondisyon upang manatili sa nasabing programa. Kinakailangan din nilang dumalo sa Family Development Session (FDS) na buwanang isinasagawa sa kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng FDS ay natututunan nila ang iba’t ibang usapin ukol sa tamang gawi ng isang matalinong magulang, karapatan ng mga kababaihan at mga bata, family planning, kahandaan sa sakuna, at ang tamang pamamahala sa pera.
Ang mga benepisyaro ay nararapat na mapabuti ang antas ng kanilang kalagayan ayon sa pagsusuri ng mga social worker sa oras na nakapagtapos sila mula sa programa o matapos ang pitong taong nasa programa. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)