COTABATO CITY- Matapos ang halos mhigit isang taon mula nan magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at Bangsamoro Government, sumabak na ang unang batch ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa proseso sa pagpasok sa police force.
Noong ika-21 ng Hunyo ay nasa isang libong kwalipikado at organic member ng MILF at MNLF ang nagtungo sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PNP-PRO BAR) upang dumalo sa general orientation at sumailalim sa Body Mass Index (BMI) at Physical Agility Test (PAT) bilang bahagi ng entry screening.
Sa isang press statement mula sa Camp Crame na kinuha sa official Facebook page ng state-run Radyo Pilipinas World Services, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang PNP ay nagsimula na sa pagproseso sa listahan ng mga inendorsong aplikante.
Bukod pa sa ibang pamantayan tulad ng background investigation, at marami pa, ani Fajardo “he applicants would have to pass the body mass index (BMI) test, physical agility test, psychological examination, physical and dental examination.”
Sa isang eksklusibong panayam kay Intergovernmental Relations Body (IGRB) Co-hair Mohaqher Iqbal, kinumpirma nito na parehong nag-endorso ang MILF at MNLF ng kanilang mga kwalipikadong miyembro para sa pagpasok sa PNP, kung saan binigyang-diin niya na dahil sa mahigpit na screening sa PNP, may posibilidad na hindi makapasa ang iba sa mga aplikante.
Pero nilinaw ng opisyal na kung sakali man ay humigit pa sa inaprubahang quota ng PNP sa taong ito ang pumasa sa proseso, magiging prayoridad sila sa susunod na batch.
“There’s an obvious risk dito sa recruitment kaya sa parte ng MILF at MNLF, mayroong mga criteria sa mga ini-endorsong aplikante to ensure na malaki yung chance na makapasa sila,” pahayag ni Iqbal.
Halimbawa ng mga binigyang prayoridad ay ang mga may maaayos na pisikal na postura at pangagatawan at mayroong college degree
Matapos ang kanilang oath-taking, ang mga matagumpay ng aplikante ay sasailalim sa isang taong basic recruitment basic course at anim na buwang field training program at mabibigyan ng temporary appointment status (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)