COTABATO CITY—Binigyang-diin ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Erwin Garcia noong ika-15 ng Abril ang panibagong simula na naghihintay para sa Special Geographic Area (SGA) matapos ang matagumpay na plebisito nito para pagtatatag ng mga bayan sa lugar.
Ibinahagi niya ito sa ginawang ceremonial turnover ng COMELEC para sa resulta ng plebisito sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat in Maguindanao del Norte.
Noong ika-13 ng Abril 2024 ay idinaos ang plebisito sa Cotabato Province upang maratipikahan ang Bangsamoro Autonomy Act Nos. 41-48 na nagtatag ng walong munisipalidad sa SGA, kabilang dito ang mga bayan ng Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan, at Ligawasan.
“Hindo sapat na (halos) 73,000 residente ang bumoto para sa atin. Kinakailangan nating mapatunayan na hindi sila nagkamali sa kanilang boto para sa atin at mapatunayan din sa 273 na bumoto ng ‘NO’ na ito ay panibagong simula para sa SGA,” pahayag ni Garcia.
Ayon sa datos ng COMELEC, nasa kabuuang 72,358 residente ang pumabor sa pagtatatag ng walong bagaong bayan sa SGA, katumbas ng 81.10% ng kabuuang dami ng rehistradong botante o 89,564 indibidwal, at 273 lamang ang hindi pumabor dito.
Binanggit din ni Garcia na ang prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro ay may ginampanang mahalagang papel sa kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, partikular na ang pagpapanatili ng isang maayos na eleksyon.
Matatandaan na noong ika-27 ng Marso 2014 ay lumagda ang National Government at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB)-ang pinal na kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng mga nasabing partido na siyang tumapos sa dekadang armed conflict.
Dagdag din ni Garcia na sa May 2025 elections ay inaasahang magkakaroon ng maagang botohan para sa mga vulnerable sector, kabilang dito ang mga matatanda, buntis, at persons with disabilities, mula alas singko hanggang alas siyete ng umaga.
Ayon din sa Chairman, gaganapin din ang kauna-unahang internet voting para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa sa susunod na taon.
Samantala, isinabay na rin dito ng COMELEC ang pagpapakilala sa kanilang Register Anywhere Program (RAP) na layuning irehistro ang mga first-time voters at/o ang paglilipat ng place of registration ng mga kasulukuyang botante, na siyang nagpapakita ng pagsulong sa karapatan sa pagboto sa ilalim ng 1987 Constitution ng Republika ng Pilipinas.
Ang pagbuo ng malakas, tumutugon, at may katuturang burukrasya sa BARMM sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas ay nakahanay sa unang priority agendum ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)