COTABATO CITY—Aktibong nilahukan ng nasa 250 na kalahok ang isinagawang ‘Run for Resilience’ fun run noong Sabado, ika-1 ng Hulyo na inorganisa ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READi) bilang parte ng taunang selebrasyon ng National Disaster Resilience Month.
Madaling araw nang nagsimula ito sa Cotabato State University (CotSU) at nagtapos sa Bangsamoro Government Center (BGC) ground sa Cotabato City. Lumahok dito ang iba’t ibang ministry, opisina, humanitarian partners, at civil society organizations (CSOs) mula sa BARMM region.
Layunin ng nasabing aktibidad na may temang ‘BIDAng Pilipino: Building a Stronger Filipino Well-Being Towards Disaster Resilience’ na isulong ang physical fitness, pataasin ang kamalayan ukol sa disaster resilience, at palakasin ang mga indibidwal para sa mas matatag na lipunan. Hinihikayat din nito ang publiko na makibahagi sa iba’t ibang aktibidad na nakatakda ngayong buwan ng Hulyo.
Binigyang-diin din ni Bangsamoro READi head Atty. Naguib Sinarimbo ang kahalagahan na masiguro ang kabutihan at kaayusan ng mamamayan ng Bangsamoro upang epektibong makapag-ambag sa pagkamit ng disaster resilience sa rehiyon.
“Together, let us join hand-and-hand in consolidating our efforts in gearing towards a better and disaster-resilient Bangsamoro region,” saad ni Sinarimbo, na siya ring nangangasiwa sa Ministry of the Interior and Local Government (MILG).
Binigyang pansin naman ni OCDRO-BARMM Officer-in-Charge Myrna Angot ang benepisyo ng paglahok sa mga ganitong kaganapan, at sinabing maliban sa mga insentibo ay isinusulong din nito ang mas malusog at aktibong lifestyle habang napatataas ang kaalaman ukol sa kahalagahan ng paghahanda sa anumang kalamidad.
“This ‘Run for Resilience’ serves as a means to stronger connections within our communities,” pahayag ni Angot, at binanggit na nabuo ang pakiramdam ng pagkakaisa at pakikipagkaibigan sa mga kalahok habang magkasabay na tumatakbo.
“We transform into a resilient and supportive network, prepared to face any adversity that may come our way. Run is a representation that we shall rise up, whatever the time, whatever the circumstances, in order to avoid disasters or mitigate its impact,” dagdag niya.
Samantala, binanggit ni Engr. Amil Abubakar, Deputy Director-General of the Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), na naging pangunahing alalahanin ng Bangsamoro region ang bagyo at pagbaha sa mga nakaraang taon.
“2022 has been the most not forgiving due to Super Typhoon Paeng, causing unimaginable damage to the lives and spirit of the Bangsamoro people; but six months after the devastation, we are slowly gaining our strength, to stand again and continue life as we know, and that is resiliency,” ibinahagi ni Abubakar.
Nagtapos ang naturang aktibidad sa pag-aanunsyo ng mga nanalo: Ysmael Karon, Jr. (#159) mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) na nagkamit ng unang puwesto, sinundan ito ni Jordan Tanghinan (#023) mula sa 6th Civil Military Operation Battalion (CMOBn), at si Datu Jordan Kadir (#107) mula sa MILG para sa ikatlong puwesto.
Tumanggap ang mga nanalo ng certificate at cash na may halagang Php6,000.00, Php4,000.00, at Php2,000.00, ayon sa pagkakabanggit.
Sa pangunguna ng READi-BARMM, ang nasabing ‘Run for Resilience’ ay inorganisa ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction Council (BDRRC) sa pakikipagtulungan sa Office of Civil Defense Regional Office (OCDRO-BARMM). (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)