COTABATO CITY—Nagtatag ang Bangsamoro Government, sa pakikipatulungan sa World Food Programme (WFP), ng school feeding program na nag-uugnay ng mga maliliit na magsasaka sa mga lokal na paaralan upang mapahusay ang produksyon at distribusyon ng pagkain.
Opisyal na inilunsad ang programang Home-Grown School Feeding (HGSF) noong ika-23 ng Hulyo sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex upang matugunan ang seguridad sa pagkain, mapabuti ang nutritional education, at lubos na mapabuti ang kalusugan ng mga mag-aaral sa Bangsamoro region.
Isasagawa ang pilot implementation ng nasabing programa sa pitong bayan ng Maguindanao del Norte at Sur, partikular sa Datu Blah Sinsuat, Matanog, Sultan Mastura, Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Upi, at South Upi.
Binigyang-diin ni Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) Minister Mohagher Iqbal na ang programang HGSF ay hindi lamang tungkol sa pamimigay ng pagkain kundi tungkol sa pagsuporta sa mga pangarap at mithiin at paglatag ng pundasyon para sa mas malusog at mas edukadong henerasyon.
“Sa pamamagitan ng pagtiyak na natatanggap ng ating mga mag-aaral ang nutrisyon na kailangan nila, mas nabibigyang-lakas natin sila upang maabot nila ang kanilang buong potensyal, sa akademiko at personal. Mahalaga ang ugnayan ng kalusugan at edukasyon,” sinabi ni Iqbal.
“Ang mga malulusog na bata ay mas mahusay na mag-aaral, at ang pagkakaroon nila ng access sa masusustansyang pagkain ay nakakaapekto nang positibo sa kanilang pangkalahatang pag-unlad. Sa kasamaang palad, ang malnutrisyon ay isang nagpapatuloy na isyu sa Bangsamoro, na nagdudulot ng pagtigil sa pag-aaral ng maraming bata,” dagdag niya.
Binanggit din ng Minister na ang programa ay isinama sa umiiral na School-Based Feeding Program. Ito ay isang feeding initiative at isang convergence model ng Bangsamoro Food Security Task Force (BFSTF).
Dagdag pa rito, pinapakita rin ng naturang programa ang kahalagahan ng kolaborasyon at ang kaugnayan ng edukasyon, kalusugan, agrikultura, at iba pang kaugnay na mga sektor.
Samantala, binigyang-diin naman ni WFP Deputy Country Director Mr. Dipayan Bhattacharyya ang importansya ng pagbibigay-tuon sa edukasyon, kalusugan, at nutrisyon ng mga mas batang henerasyon upang mapataas ang posibilidad ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya dahil sila ang bubuo ng human capital ng BARMM.
“Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga pagkain sa paaralan sa pagpapalakas ng food systems. Ang HGSF ay isang makabagong pamamaraan ng pagkain sa paaralan na nagsusulong ng nutrisyon at pagkatuto para sa mga mag-aaral habang pinag-uugnay ang mga paaralan at local government units sa mga maliliit na magsasaka para makabili ng pagkain,” pahayag ni Bhattacharyya.
“Sa pamamagitan ng pag-aambag sa edukasyon ng mga bata, pagtutugon sa mga hamong kaugnay sa nutrisyon, at paggawa ng market opportunities sa mga local smallholder farmers, ang HGSF ay isa sa mga cost-effective at epektibong istratehiya upang mapatupad ang school meals program ng pamahalaan. Naipakita sa isang pag-aaral patungkol sa halaga ng pera na kada pisong ini-invest, may balik itong siyam na piso,” dagdag niya.
Ang mga programang HGSF ay sumusuporta sa maliliit na magsasaka at agrikultura sa pamamagitan ng pagtatatag ng istratehikong pagbili, paggawa ng maayos na pangangailangan para sa mga locally produced food, at maisama ang karagdagang komplementaryong interbensyon upang bigyang-daan ang mga maliliit na magsasaka na lumahok sa mga school feeding markets. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)