COTABATO CITY—Sinisikap ngayon ng Bangsamoro Government na matiyak na magiging matuwid at mapayapa ang eleksyon para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) sa darating na Oktubre 30.
Sa panayam kay Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo noong ika-14 ng Setyembre, ibinahagi niya na mahigpit ang paghahanda ng rehiyon upang masiguro na magiging maayos ang BSK eleksyon.
“May mga security summits na gagawin dahil may inisyal na pag-uusap kasama ang Philippine National Police (PNP) atsaka Commission on Elections (COMELEC),” sinabi niya.
“ ‘Yung army na naka-deploy sa atin para tingnang maigi ano ‘yung mga aktibidad na kaya pang gawin para masigurado natin yung elections ngayong Oktubre ay hindi magiging magulo,” pagbibigay-diin nya.
Binanggit din niya na mayroong security coordination platform na kinabibilangan ng BARMM Government, PNP, COMELEC, at iba pang mahahalagang sektor ng lipunan na mayroong malaking tungkulim sa pagpapanatili ng mapayapa at demokratikong eleksyon.
Samantala, nakikipagtulungan naman ang PNP at COMELEC sa pagbuo ng isang watchlist na nagtutukoy sa mga barangay kung saan kadalasan ay mainit ang eleksyon, at mga polling center na karaniwan ay walang gulo.
Binanggit rin ni Sinarimbo ang paalala ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim na ang eleksyon ay nonpartisan, na siyang nagbibigay-diin sa karapatang bumoto ng mga mamayang Bangsamoro.
“Ang tungkulin nating lahat sa gobyerno ay matiyak na mayroong democratic space, kung saan walang mamimilit, walang kaguluhan, upang malayang makaboto ang lahat,” paalala ni Sinarimbo.
Nabanggit din si Sinarimbo ang mga mahalagang interbensyon, kasama ang mga tatakbong kandidato, sa pagkakaroon ng mapayapang eleksyon.
“Mayroon din kaming iniisip na iba pang mga paraan para magkaroon ng aktwal na commitment yung mga kandidato na magsulong sila ng mapayapa, demokratiko, atsaka mapagkakatiwalaang eleksyon,” pahayag nito. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)