COTABATO CITY—Namahagi ng suportang pangkabuhayan ang Ministry of Labor and Employment (MOLE) ng Bangsamoro Government sa Cotabato City noong ika-19 ng Hunyo 2024, sa tulong ng Set-A-Kart project nito.
Layunin ng inisyatibang ito na mapalakas ang 20 tindero sa pamamagitan ng pagbibigay sakanila ng mga kasangkapan at kagamitan sa pagluluto upang mapabuti pa ang kanilang operasyon.
Pormal na tinanggap ni Mayor Mohammad “Ali” Bruce Matabalao ang nasabing proyekto, na nasa ilalim ng Bangsamoro Integrated Livelihood Program (BILP), sa selebrasyon ng 65th founding anniversary ng siyudad sa People’s Palace Grounds.
“Nais nating ipahatid ang ating taos pusong pasasalamat sa BARMM regional government, sa pamamagitan ng Ministry of Labor and Employment through Minister Datu Muslimin Sema sa pagbibigay ng 20 Set-A-Kart na pangumpisang panghanapbuhay ng ating mga kababayan sa Cotabato City […] ito ay napakalaking tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan,” sinabi ni Matabalao.
Samantala, magbibigay naman ang Negosyo Centers ng mga pagsasanay patungkol sa entrepreneural mindsetting at bookkeeping para sa mga napiling 20 benepisyaryo. Bilang panimula ng kanilang negosyo ay naghandog din ang alkalde ng P5,000 bilang puhunan.
Ayon kay Engr. Dimaporo Diocolono, Supervising Labor and Employment Office/MOLE CCFO Head, hindi lamang kagamitan ang naibigay sa paghahandog ng mga Set-A-Kart project.
Aniya, layunin nito na “maitaas ang pamantayan sa negosyo ng mga magtitinda at mapalakas sila para sa pangmatagalang tagumpay.”
Sa pagkakaroon nila ng bagong kagamitan ay inaasahang makatutulong ang mga ito na mabawasan ang kanilang gastos na naigugugol sa pag-aayos ng kanilang mga sirang gamit. Ang kanilang matitipid ay magagamit pa nila sa kanilang mga mahahalagang pangangailangan gaya ng pagkain, damit, o edukasyon para sa kanilang mga anak. (Aisah Abas, Bai Omairah Yusop/BIO)