SPECIAL GEOGRAPHIC AREA — Dalawang bagong village hall sa Special Geographic Area (Area) ang opisyal nang nai-turn over ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) sa mga barangay ng Batulawan at Buliok sa Pikit Cluster noong ika-29 ng Nobyembre.
Ang nasabing imprastraktura na nagkakahalaga ng P3.5 milyon bawat isa ay dagdag lamang sa sampung nauna nang makumpleto sa lugar.
Sa isinagawang inauguration sa Brgy, Bataluwan ay binigyang-diin ni MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo ang kahalagahan ng nasabing proyekto. Aniya, marami ang mga barangay sa SGA na nakatayo sa liblib ng dating Cotabato province, malayo sa sentro ng kaunlaran.
“Ito rin yung mga barangay na tinamaan ng matinding giyera kase nasa boundary sila. Pagkatapos, dahil hindi sila naging parte ng ARMM nang maitatag ito noong 1998, hindi sila napasok, napabayaan din sila,” pahayag ni Sinarimbo.
Dagdag pa ni Sinarimbo na noong mabuo ang SGA, 63 na mga barangay nito ay nahiwalay mula sa mother municipality at probinsya nila. Sa mga kadahilanang ito at dahil na rin sa sosyo-ekonomikong kalagayan nito, “kailangan natin ng malaking pagbabago para sakanilang progreso,” aniya.
Sa ngalan ng BARMM Government ay umaasa si Minister Sinarimbo na higit pang mapapahusay at mapapanatili ng ibinuhos na malaking investment ng MILG, gaya ng imprastraktura, teknikal na kapasidad, at ebolusyon ng polisiya sa rehiyon, ang trabaho at pagganap ng mga local governments units. Ayon pa sakanya, pinakaninanais ng BARMM ang magkaroon ng “tuloy-tuloy at di na napapawing kaunlaran” para sa mga komunidad nito.
Maliban sa mainland provinces ng rehiyon ay magsasagawa rin ang MILG ng magkakasunod na turnover at groundbreaking ceremony sa mga probinsya ng Tawi-Tawi, Sulu, at Basilan para sa iba’t-ibang proyekto gaya ng mga pampublikong pamilihan, municipal halls, at provincial offices
Dinaluhan din ni Member of the Parliament (MP) Akmad Abas, SGA Development Authority Administrator Butch Malang, at mga kinatawan mula sa Regional Mobile Force Battalion 14 at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang pagpapasinaya sa bagong barangay hall sa Batulawa. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)