LAMITAN CITY—Sinimulan na ng Bangsamoro Government noong ika-15 ng Pebrero ang pagpapatayo ng P135-milyong halagang proyektong pabahay para sa mga Mujahideen, balo, at mahihirap na sektor sa bayan ng Muhammad Ajul, Basilan.
Pinangunahan ng Project Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN) ng Office of the Chief Minister, kasama ang Ministry of Public Works (MPW) Basilan District, ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa 225-unit housing project.
Ibinahagi ni District Engineer Kasim Hasanin na ayon sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng KAPYANAN at MPW, nagkakahalaga ng P600,000 kada isa ang pabahay na itatayo sa Sironggon village ng nasabing bayan.
Positibo rin siya na makukumpleto ang konstruksyon wala pang isang taon, lalo pa’t paparating na ang 2025 national elections.
“Nung una, target na matapos ang programa sa loob ng 365 calendar days. Ngunit ginagawaan natin ng paraan na mapabilis ang proseso dahil sa nalalapit na halalan na pwedeng magdulot ng mga hamon sa atin. Kaya target natin ngayon na makumpleto ito bago pa man matapos ang taong ito,” sinabi niya.
Kaya naman inatasan ni Hasanin ang secretariat na madaliin ang mga preparasyon sa pre-procurement at idiniin na ang programa ay patungkol sa pagbibigay ng tahanan sa mga mujahideen, lalo na ang mga balo ng Barngay Sironggon.
Samantala, kaparehong inisyatiba rin ang isinasagawa sa mga bayan ng Albarka, Tipo-Tipo, Ungkaya Pukan, at Sumisip.
Prayoridad ng Government of the Day na matugunan ang mga hamon patungkol sa pamamahagi ng disente at murang pabahay, ganun din ang mga pangunahing serbisyo, para sa mga mamamayang Bangsamoro na mahihirap at walang tirahan, kahanay ng 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)