COTABATO CITY—Bilang pagkilala sa kahalagahan ng seguridad sa pagkain at produktibidad sa agrikultura, inaprubahan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang pagtatatag ng Bangsamoro Agriculture and Fisheries Training Institute (BAFTI).
Sa pagkakuha nito ng 45 affirmative votes, naipasa ito noong ika-16 ng Hulyo 2024. Ang BAFTI Act o Parliament Bill No. 39 na inihain ng Government of the Day ay naglalayong mabago ang sektor ng agri-fishery ng rehiyon sa pamamagitan ng advanced na teknikal na pagsasanay at edukasyon.
Magbibigay ang BAFTI ng advanced na teknikal na pagsasanay at maiikling kurso sa agrikultura at pangisdaan, na nakatuon sa mga modernong trend, marketing, at enterprise.
Binigyang-diin ni Bangsamoro Speaker na si Pangalian Balindong ang kritikal na papel ng batas sa pagtiyak ng mga sustainable na kasanayan at kasapatan ng pagkain.
Samantala, binigyang-pansin ni Member of Parliament (MP) Mohammad Yacob ang potensyal para sa mas mataas na produktibidad at kita sa pamamagitan ng mga programa ng institusyon.
“Mas mapagkakakitaan at mabubuhay ang maraming negosyo kapag tayo ay namuhunan sa agrikutura at pangisdaan,” sinabi ni Yacob, na siya ring minister ng rehiyon para sa agrikultura.
Naaprubahan na rin ang inisyal na pondo nitong P10 milyon para sa pagtatatag ng BAFTI, kasama rito ang gastos para sa pagsisimula at maagang implementasyon nito.
Pangungunahan ng institusyon ang teknikal na pagsasanay, pagbabalangkas ng regional agriculture at fisheries agendas, at paghahanda ng mga integrated plans para sa mga programang pinopondohan ng publiko.
Ayon naman kay MP Matarul Estino, chair of the Committee on Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform, “Ang BAFTI ay testamento sa pagkakaunawa at pagtutugon ng Bangsamoro government sa mga naiibang pangangailangan ng mga magsasakat at mangingisda sa rehiyon.”
“Magbibigay-daan ito para sa mga modernong trend sa pagsasanay na naaangkop sa kultura, heograpiya, at analitikal,” dagdag niya.
Itatalaga ang mga training officers sa buong mainland at island provinces, upang matiyak ang epektibong kolaborasyon at paghahatid ng serbisyo.
Makikipag-ugnayan din ang BAFTI sa mga instritusyong pang-edukasyon at pampubliko at pribadong organisasyon upang makagawa ng komprehensibong kurso sa agrikultura at pangingisda.
Makikipagtulungan ang BAFTI sa Cooperative and Social Enterprise Authority para masuportahan at pagbuo ng halal industry at mga pamantayan sa training modules na mapakikinabangang ng mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda. (Kasan Usop Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)