MAGUINDANAO DEL NORTE—Opisyal nang inilabas ng national government, sa pamamagitan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ang master development plan ng Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong ika-23 ng Enero.
Isinagawa ito sa loob ng dating training camp ng MILF sa Barangay Tugaig sa Barira, Maguindanao del Norte na siyang tinunghayan ng mga matataas na opisyales mula sa MILF at ng Bangsamoro Government.
Nagsisilbi na ngayong headquarters ng 1st Marine Brigade ang naturang kampo.
Sa pagpapaliwanag ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez, ang nasabing master development plan ay isang blueprint na layuning masolusyunan ang socio-economic na kakulangan sa kampo, na magiging kapakipakinabang sa mga dating MILF combatant na nakatira sa 32,000 ektaryang settlement site.
Binigyang-diin ni Galvez na naturang dokumento ay kumakatawan sa prinsipyo at diwa ng pagkakaisa, aniya, magsisilbi itong tulay upang maghilom ang mga sugat ng nakaraan at makalilikha ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
“Ang programang ito ay hindi lamang para sa ating mga sarili, ngunit para sa ating mga pamilya at anak, at sa susunod na henerasyon,” sinabi ni Galvez sa mga combatant.
Dagdag pa niya na sa huli, ang totoong sukatan ng tagumpay ay positing pagbabago na nagpapabuti sa buhay ng mga Bangsamoro, na siya ring magdadala ng kasaganaan at kaunlaran sa hinaharanp.
Ayon sa opisyal na dokumentong ipinresenta sa publiko, sakop ng master development plan ang iba’t ibang inisyatiba na magpapainam ng lokal na industriya, seguridad ng pagkain at produktibidad sa agrikultura, proyektong pabahay, social welfare service, pagpapa-unlad ng human resource at imprastraktura, at iba pa.
Samantala, kasabay ng okasyon ay ibinahagi rin ng National Housing Authority (NHA) region 9 ang disenyo ng mga bahay para sa pagpapatayo ng 234 housing unit, kung saan 100 dito ay gagastusan mismo ng Bangsamoro Government.
Nakahanay ang mga hakbangin para sa pagbabago ng anim na natukoy na kampo (Abubakar-as-Siddique, Omar, Rajamuda, Badre, Bushra, and Bilal) ng MILF sa Executive Order No. 79 o Annex on Normalization of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan ng MILF at national government.
Ang nasabing okasyon ay dinaluhan ng mga kilalang opisyales ng Bangsamoro Government ang kabilang sina members of the parliament Baintan Ampatuan, Ali Salik, at Laisa Alamia, Governor Abdulrauf Macacua ng Maguindao del Norte at Director General Mohajirin Ali ng Bangsamoro Planning and Development Authority, kasama ang ang iba mga opisyales. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)