COTABATO CITY — Isang makasaysayang hakbang ang isinagawa ng Bangsamoro Government kaugnay ng pagpapaayos at pagpapabuti ng konektibidad at kaunlaran sa mga bayan ng Pahamudin sa Special Geographic Area (SGA) at Kabuntalan sa Maguindanao del Norte sa pamamagitan ng pagpapatayo ng isang tulay na may habang 150-metro na mag-uugnay sa dalawang munisipalidad.
Pinangunahan ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim at Ministry of Public Works (MPW) Archt. Eduard Guerra noong ika-23 ng Nobyembre ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa pagpapatayo ng tulay na pinangalanang “Libungan Toreta – Kabuntalan Bridge”.
Dumalo rin dito ang iilang pangunahing opisyales gaya ni MPW Deputy Minister Abdul Maomit Tomawis, Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, at Northern Kabuntalan Mayor Datu Ramil Dilangalen.
Gamit ang pondong nasa P180-milyon, inaasahang makukumpleto ito ng MPW sa first quarter ng 2025.
Ang naturang tulay ay sumisimbolo sa commitment ng Bangsamoro Government na mabuhay at mapasigla ang ekonomiya ng rehiyon, na siyang magpapaisa sa mga komunidad, magpapadali ng kalakalan, magpapabawas ng oras ng biyahe, at magpapabuti ng transportasyon.
Binigyang-diin naman ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim na ang nasabing tulay ay higit pa sa isang ordinaryong proyektong imprastraktura. Aniya, magiging daan ito upang makapagbigay ng trabaho at mapalakas ang kabuhayan ng mga mamamayan at mga susunod pang henerasyon.
“Ang tulay na ito ay magbubuhos ng mga oportunidad tungo sa pag-unlad ng pamumuhay ng bawat Bangsamoro sa mga lugar na makikinabang dito,” sinabi ni Ebrahim.
Idiniin din ng chief minister na sinisimbolo nito ang kapayapaan at kaunlaran lalo pa na nagsilbing battlefield ang lugar dati kung saan naganap ang sagupaan sa pagitan ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Moro army.
Samantala, ibinahagi naman ni Minister Guerra na ang bayan ng Pahamudin sa SGA ay nabigyan ng P1.4-bilyong budget para sa mga proyektong pang-imprastraktura sa loob ng fiscal year 2020-2024, na ilalaan para sa 12 barangay.
“Ilang dekada nang wala kang makikitang konkretong kalsada dito, ngayong panahon ng BARMM pa lang. Inn Shaa Allah, magkakakaroon ng konkretong daanan sa bawat sulok ng lugar,” pahayag ni Guerra.
Kabilang sa enhanced 12-point priority agenda para sa 2023-2025 ng Bangsamoro Government ang pagsasagawa ng sistema ng matibay na imprastraktura para sa panglupa, pangtubig, at panghipapawid na transportasyon. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)