COTABATO CITY — Sinimulan na ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Government ang magkakasunod na mass graduation para sa 3,300 na mga iskolar na nakatapos ng mga kursong technical vocational na sinimulan sa taong 2023.
Kabilang sa mga iskolar ang mga out-of-school youth, dating combatant, kababaihan, persons with disability, persons deprived of liberty, dating rebelde, senior citizens, biktima ng mga sakuna at kalamidad, napauwing overseas Filipino workers, at marami pang iba.
Noong nakaraang linggo, ika-6 hanggang ika-8 ng Setyembre, ay isinagawa ng MBHTE-Technical Education and Skills Development (TESD) ang mass graduation para sa 412 trainees mula sa mga bayan ng Buluan, Datu Paglas, at Datu Saudi Ampatuan ng Maguindanao del Sur.
Nasa 357 trainees mula sa mga munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat at Upi ng Maguindanao del Norte ang nauna nang nakatanggap ng kanilang training certificates at Training Support Fund (TSF) allowance mula sa MBHTE-TESD noong ika-23 at ika-30 ng Agosto.
Sumailalim ang mga iskolar sa mga kursong carpentry, pest management (vegetable), masonry, agricultural crops production, organic agricultural production, dressmaking, bread and pastry production, at driving.
Ibinahagi ni Alraima Guiaman ng Datu Paglas na kaagad siyang nag-aplay para sa pastry training nang marinig niya ang pagsisimula ng aplikasyon para sa scholarship.
“Noong nalaman ko po na may ganitong scholarship, talagang pumunta po kami kasi gusto ko po matuto at kung ano ‘yung pwede kong malaman at pwede kong maibahagi sa aking komunidad,” sinabi ni Guiaman.
Samantala, nagpasalamat din ang isang nagtapos sa driving course na si Tansri Abdullah mula sa Datu Odin Sinsuat sa MBHTE-TESD para sa pagbibigay sakanya ng pagkakataon na mas mapahusay ang kanyang kasanayan na kanyang magagamit sa pagpapabuti kanyang buhay.
“Pinagsikapan ko pong matapos ang skills na ito para magamit ko, makapag-apply ako ng trabaho (para) makatulong sa pamilya at magkaroon ng hanap buhay sa pamamagitan ng pagmamaneho,” ani Abdullah.
Hinimok naman ni MBHTE-TESD Maguindanao Provincial Director Salehk Mangelen ang mga nagsipagtapos na mas pahusayin pa at pagbutihin ang kanilang trabaho upang makatulong sila sa kanilang mga pamilya, at maging bahagi sa pagpapaunlad ng rehiyon.
“Yung mga skills na nakuha natin, ‘yan ay isang bagay na maipagmalaki natin at higit sa lahat, hindi yan mawawala sa atin,” sinabi ni Mangelen.
Magpapatuloy ang mass graduation para sa iba pang magsisitapos ng tech-voc mula ibang pang lalawigan ng Bangsamoro region. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yuosp/BIO na may ulat mula sa MBHTE-TESD)