TAWI-TAWI—Namahagi ng relief assistance ang Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) ng Bangsamoro Government sa iba’t ibang komunidad ng nasabing probinsya noong ika-25 ng Pebrero.
Kasama si Provincial Coordinator Hamka Malabung at iba pang kawani nito ay nagsagawa ang Project TABANG ng malawakang outreach program sa maraming komunidad, kabilang dito ang Andulingan, Sitangkai, Malacca, at Bauno Garung, Panglima Sugala.
Sa pakikipagtulungan sa mga ministry at ahensya ng BARMM, local government unit (LGU) ng Sitangkai, at MBLT-12 ay naidaos din ang naturang aktibidad sa liblib na isla ng Andulingan sa Sitankai, Tawi-Tawi kung saan nakapagbigay ng tulong sa 60 na pamilya.
Sa pamamagitan ng BRP 390 ng Philippine Navy ay nailulan at naihatid ang mga relief goods gaya ng 25 kilo ng bigas at mga food package mula Bongao papuntang Sitangkai.
Buhat dito ay nagpasalamat si Councilor Marilyn Joe ng LGU sa Bangsamoro Government para sa pagbibigay nito ng tulong sa mga liblib na isla ng Sitangkai.
Kasunod nito ang pagtanggap ng dalawang barangay sa munisipalidad ng ng Panglima Sugal ng 100 set ng relief goods, na may lamang 25 kilos ng bigas at mga food package, bawat barangay noong ika-27 ng Pebrero.
Samantala, nagpaabot din si Mayor Nurbert ng Panglima Sugala ng kanyang pasasalamat at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaabot ng tulong sa kanilang liblib na teritoryo.
Aniya, “Ang Bangsamoro Government ay nasa Cotabato City, ngunit, ang mga serbisyong inihahatid nila ay nakarating sa atin. Dahil diyan lubos ang pasasalamat ko.
Dahil sa puspusang pakikipag-ugnayang isinagawa ng mga opisyales ng Municipal Disaster Risk Reduction Management (MDRRM) ay natiyak ang pagkakarating ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng kamakailang kalamidad.
“Malaki ang pasasalamat naming para sa tulong na ibinigay ng LGU sa pagtransport ng mga bigas at suplay. Sana ay magpatuloy pa ang tulong ng LGU sa paghahatid ng mga programa ng Chief Minister,” sinabi ni Malabung bilang pagkilala sa pagtutulungang naisagawa.
Ipinaliwanag rin niya ang mga komprehensibong serbisyo ng OCM sa pamamagitan ng Project TABANG at muling pinagtibay ang kanilang dedikasyon sa pagsisilbi sa mga mamamayan ng Tawi-Tawi.
Ang nasabing inisyatiba ay nakahanay sa pampitong agendum sa 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim na naglalayong pahusayin ang pagtugon at pagiging maagap sa pagbibigay ng social protection services. Layunin din nito na mabawasan ang epekto ng mga dagok na pwedeng maidulot ng ekonomiya, lipunan, at sakuna. (Laila Aripin, Bai Omairah Yusop/BIO)